Miyerkules, Marso 12, 2014

Rebyung Pampelikula: Praybeyt Benjamin

            Ang The Unkabogable: Praybeyt Benjamin na pinangungunahan ni Vice Ganda ay isa sa pinaka sumikat na pelikula noong 2011. Ito ay kwento ng baklang si Benjie na mula sa isang pamilyang militar. Siya ay kinakahiya ng kanyang lolo sapagkat ang kanyang kasarian ay hindi nababagay sa kanilang pamilya na kilala sa pagiging matatapang ng mga lalaking sundalo. Ngunit ng magkagulo ang bansa dahil sa mga terorista, maraming mga heneral ang mga dinukot at isa dito ay ang lolo ni Benjie. Dahil dito, ang militar ng Pilipinas ay tumipon ng isang lalaki bawat pamilya upang maging sundalo at ipaglaban ang bansa. Dahil sa kanyang pagmamahal sa kanyang ama, si Benjie ang sumali upang ito ay hindi mapahamak. Ngunit habang nasa kampo, si Benjie at ang kanyang mga kasamahan ay pinagtatawanan sa kanilang mahinang kakayahan. Subalit dahil dito si Benjie at ang kanyang grupo ay nagpursigi at hindi nagatagal, naligtas nila ang mga na dukot na mga heneral at ang bansa mula sa mga terorista.
            Nagpapakita ng uniting unting pagangat ng pagka konserbatibo ng mga Pilipino ang pelikulang Praybeyt Benjamin. Ito ay larawan ng pagtanggap ng ating lipunan sa ideya ng hindi tradisyunal na kasarian o ang pagiging bakla ng ibang mga tao. Ito din ay nagpapakita na masmaraming bakla ay ang hindi na takot sa dating mapanghusgang lipunan. Sa pagsikat ng artistang si Vice Ganda, masasabi nating ang ating lipunan ngayon ay mas bukas na sa mga taong tulad niya.
            Ang pelikula hindi lamang nagpapakita ng pagtanggap sa mga bakla ngunit ito din ay nagpapakita ng mga kakayahan at kalakas ng mga nito. Pinapahayag ng pelikula na ang kasarian ng isang tao ay hindi hablang sa maaring gawin ng isang tao. Ang kaya gawin ng isa ay kakayanin din gawin ng iba. Lahat tayo ay pantay pantay at patas.

Rebyung Pampelikula: Supremo

MAKAPANGYARIHAN NA SANA ANG “SUPREMO”
Pagsusuri sa pelikulang “Supremo” ni Joel Costa Malabanan
Imahismo sa Baston at Cedula
Nagsimula ang pelikula sa taong 1882 kung saan ipinakitang namatay ang unang asawa ni Andres Bonifacio sa sakit na ketong. Mahusay ang panimulang analohiya ng paggawa ng baston bilang sukatan ng pagtatagumpay ng indio. Sa eksena, ipinakitang nagagalit si Bonifacio sa mga manggaagawa ng baston sa kanyang pagawaan at nagwikang “kung hindi ninyo magawang maayos ang mga baston ng mga ilustrado ay manatili na nga lamang tayong alipin nila”.
Sa sumunod na eksena ay ipinakita ang kalupitan ng mga guardia civil sa isang nasunugan na tinulungan ni Bonifacio na binugbog dahil walang cedula. Nakulong si Bonifacio ngunit nakalaya dahil sa influencia at sa tulong ng bagong gradweyt na abogadong si Apolinario Mabini. Ang inosenteng kasama ni Bonifacio ay binitay. Ang pangyayaring ito ang nagsilbing pundasyon kung bakit natanim sa katauhan ni Bonifacio ang pagkamuhi sa kolonyal na Espanyol. Kagaya ng nakasanayang kosepto, nagamit ang imahen ng pagpupunit ng cedula bilang manipestasyon ng hangad na paglaya sa Sigaw sa Pugad Lawin na isa sa mga lutang na eksena sa pelikula.
Nakakahong Bonifacio
Totoong mahusay ang pagganap ni Alfred Vargas na nagpamalas ng iba’t ibang emosyon upang ipakita ang pagiging tao ni Bonifacio. Subalit nabalewala ang kanyang husay dahil sa mababaw na iskrip ng pelikula. Sa halip na magpakita ng mga bagong anggulo sa pagkatao ni Bonifacio ay nanalig ang iskrip sa mga nakakahong paglalarawan sa karakter nito. Nagmistulang komedya ang eksenang may minasaker na na Pilipino ang mga guardia civil at ipinakitang nagpupumilit si Bonifacio na gantihan ang mga guardia civil kahit pa pinipigilan ng kanyang mga tauhan. Sa isa pang labanan, muling inilarawan si Bonifacio bilang lider na padalus-dalos at walang pakundangan kung mamatay ang mga tauhan niya. Kailangan pang si Emilo Jacinto ang sumigaw ng “atras” para lang maligtas ang mga Katipunero habang sa ikalawang pagkakataon ay pinipigilan ang Supremo ng kanyang mga tauhan. Sa maraming teksbuk ay inilarawan si Bonifacio bilang matapang na lider ngunit palaging talo sa labanan. Hindi pa rin nakawala ang pelikula sa nakakahong konsepto ng pagpapakita ng katapangan ni Bonifacio kahit pa ang kahulugan ay kahangalan. Kung ang pelikula ay nagnanais ibantayog ang kadakilaan ng Supremo, mainam sanang ipinakita man lamang ang kakayahan niya bilang isang mahusay na pinuno sa halip na isang lider na kulang sa pagpaplano at nilalamon ng emosyon. Totoong nagtangka ang pelikula na ipakitang palabasa si Bonifacio at isang responsableng kapatid subalit liban dito ay walang bagong nailahad ang pelikula na matutunan ng kasalukuyang henerasyon.
Dinekonstrak si Jacinto
Ayon sa historian na si Tony Donato, “Napakaikli ng buhay ng magiting na Emilio Jacinto, subalit sa 24 taon na siya ay nabuhay sa mundo at 7 taon na ipinaglingkod niya sa himagsikan, ay tunay na napakaraming niyang nagawa para sa Katipunan, himagsikan at sining. Kahanga-hanga ang kaniyang talinong taglay at dedikasyon. Kung ihahambing sa isang ordinaryong tao na nabuhay sa mundo nang kay tagal, ang nagawa ni Jacinto sa loob ng 24 taon sa mundo'y ito ay lalagpasan.”
Sa pelikula ay hindi ipinakita si Emilio bilang mahusay na tagapayo ng Supremo kundi isang kabataang
matatakutin at mahina ang loob. Ang anyo pa lamang ng gumanap na si Nicco Manalo ay malinaw na pagdekonstrak kay Emilio Jacinto sapagkat tuwid na sabog-sabog ang buhok nito kumpara sa nakagisnan nating larawan na tuwid ang buhok at nakasumping sa isang panig. Bagamat mahusay ang pagganap ni Manalo bilang si Jacinto, hindi naipakita sa pelikula ang kahusayan ni Jacinto bilang utak ng Katipunan at may-akda ng kartilya nito. Kung ang imahe ni Jacito sa pelikula ang makikita at matatandaan ng kasalukuyang henerasyon ng kabataan ay tunay na lalabnaw ang pagpapahalaga sa kanya bilang
isang mahusay na lider ng kanyang panahon. Kailangan ng mas malalim at malawak na pananaliksik
sa pagkatao ni Jacinto upang masilip ang tunay niyang husay. Ang lalim ng pag-iisip na ipinakita ni Jacinto sa kanyang mga sanaysay sa Katipunan ay ni hindi nahagip man lamang sa pelikula.
Feminista si Tandang Sora
Mahusay ang pagganap ni Hermie Concepcion bilang Melchora Aquino. Ika-24 ng Agosto, 1896 nang magtipun-tipon sa bahay ni Tandang Sora ang mga Katipunero. Sa tala ng historian na si Jesusa Bernanardo, binanggit niya na: Katipuneros arrive at the barn of Melchora Aquino for their hurried National Assembly, with Supremo Andres Bonifacio and members of the Supreme Council (Kataastaasang Kapulungan), heads of the supramunicipal (sangunian) and chapter (balangay) units of the Katipunan in attendance. Sa pelikula, may diyalogo si Tandang Sora na “siya ay isang aguela na nagtatangkang gugulin ang kanyang nalalabing buhay para sa kalayaan.” At sa makasaysayang eksena ng pagpupunit ng cedula ay tanging si Tandang Sora ang babaeng napaliligiran ng mga sumisigaw para sa paglaya. Bukod sa pagiging matanda ay kahanga-hanga ang tapang ni Tandang Sora bilang isang babaeng kabahagi sa pakikibaka. Sa buong pelikula, liban kay Gregoria de Jesus ay ang karakter lamang ni Tandang Sora ang tanging lumutang na representasyon ng ambag ng mga Pilipina sa paglaya ng bayan.
Hindi Ginahasa si Oryang?
Gaya ni Tandang Sora, sa simula ng pelikula ay ipanakitang may malaking ambag siya sa pakikibaka ng Katipunan. May isang eksena na ipinakitang kunwari ay buntis siya upang maitago ang baril at punyal
na ibibigay niya sa Supremo. Mahusay ang pagganap ni Nica Naval subalit manipis ang iskrip na ibinigay
sa kanyang karakter. Ayon kay Renato Constantino, sa aklat niyang A Past Revisited, si Oryang ay may kung ilang oras na ikinulong ni Col. Agapito Bonzon matapos na mahuli ang magkapatid na sina Andres at Procipio Bonifacio noong Abril 27, 1897 sa Limbon, Indang, Cavite. Sa pagkakakulong na iyon ay
naganap ang panghahalay ni Col. Bonzon na hindi naipakita sa pelikula. Ang pangyayaring ito ay
nabanggit rin ni Ambeth Ocampo sa kanyang aklat na “Bonifacio’s Bolo. Maaring sinadyang hindi ipakita ang eksena o hindi pinaniniwalaan na naganap ni Peter Uckung na siyang historical consultant ng pelikula.
Inosente si Aguinaldo?
Walang masyadong dayalogo si Aguinaldo sa pelikula. Sa isang eksena ay ipinakita ang dalawang tauhan sa pelikula (isa ay si Daniel Tirona) na nagsasabi kay Aguinaldo na darating sa Cavite ang Supremo at walang ipinakitang emosyon ang karakter (na hindi ko napakuha ang pangalan ng artista.) May sinabi pa itong “ang Supremo ang siyang dapat na magpasiya” na parang nagpapakitang susunod siya sa anumang desisyon ni Andres Bonifacio tungkol sa rebolusyon. Lumilitaw tuloy sa pelikula na parang inosente si Aguinaldo sa lahat nang naganap sa Cavite noong 1897 at ang lahat ay kagagawan ng mga tauhan niya. Posibleng umiwas ang pelikula na magbigay ng tuwirang pahiwatig na si Aguinaldo ang may utos ng lahat at hinayaang ang mga manunuod na lamang ang humusga. Subalit kung ang layunin ng pelikula ay ilantad ang katotohanan, dapat ay binigyang diin ang partisapsyon ni Aguinaldo bilang unang dikatador sa Asya. Tiyak na hindi rin mabibigyang pokus sa mas magastos at mainstream movie na “El Presidente” tampok si Jorge ER Estregan ang patataksil ni Aguinaldo sa Katipunan at sa rebolusyon lalo pa at isa itong propaganda pabor sa Kabitenyong heneral.
Tinipid sa Dulo
Hindi malinaw ang karakter nina Col. Agapito Bonzon, Col. Ignacio Paua at Col. Lazaro Macapagal sa pelikula sapagkat kung sino ang humuli sa magkapatid na Bonifacio noong Abril 27, 1897 sa Indang, Cavite ay siya ring ipinakitang nagsagawa ng pagpatay sa kanila noong Mayo 10, 1897. Ang mga estudyanteng manunod ay malilito sapagkat ang mismong tumaga sa leeg ni Bonifacio nang hulihin ito ay ipanakitang ang mismong namuno rin sa pagpatay kay Bonifacio. Mukhang tinipid na ang eksenang ito dahil pati ang kasuotan ng mga pumatay kay Bonifacio ay simpleng polo shirt na lamang.
Mas Makapangyarihan sana ang Supremo

Dramatiko at madugo ang ginawang pagsaksak at pagkatay kay Bonifacio at maaawa ka sa naging katapusan ng unang president ng Pilipinas. Ngunit higit sanang magiging epektibo ito kung gumamit man lang sana ang pelikula ng alinmang sinulat ni Bonifacio tulad ng tula niyang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” o kaya ay ang “Dapat Mabatid ng mga Tagalog” upang napalalim ang kanyang karakter. Ang pelikula ay lumitaw na parang simpleng dokumentaryo lamang mula sa perspektiba at panig ng isang historian na
natatakot sumbatan ng mga maka-Aguinaldo. Totoong may mahuhusay na eksenang nalikha at kahanga-hanga ang ilang tagpo pati na rin ang ginamit na musika sa pelikula ngunit hindi pa rin naging sapat ito upang mailapit sa masa ang tunay na kadakilaan ng Supremo. Pag pinagkumpara ang pelikulang indie na“Supremo” at mainstream na “El Presidente” ay tiyak na lalamunin lang ang una ng ikalawa at mauulit na naman ang pag-agaw ni Aguinaldo sa pwesto ni Bonifacio sa perang limampiso tulad rin ng naganap sa Tejeros.

Talaarawan

1/23/14
Huwebes
                Tinalakay ang banghay sa kwento ng kalupi. Inisa isa rito ang simula, kasukdulan, kakalasan, tungalian at ang wakas.Sinundan nman ito ng pangkatang Gawain.
1/24/14
Biyernes
                Ipinagpatulong ang pagtalakay sa skdsng Ang Kalupi. Nakapaloob ang teoryang kinabibilangan ng akdang ito. Ang teoryang Eksistensyalismo. Kasunod nito tinalakay din ang pananaw at paninindigan ng mga tauhan.
1/27/14
Lunes
Tinalakay ang akdang Himala ni Ricky Lee at pinag-aralan ang mga pangyayaring naganap sa akdang ito.
1/28/14
Martes
                Ipinagpatuloy ang patalakay sa akdang Himala at pinag-aralan ang katangian, pahiwatig at ang mga malalalim na salita na ginamit dito. I9sang takdang aralin ang iniwan sa amin na tungkol sa teoryang sikolohikkal.
1/29/14
Miyerkules
                Ipinagpatuloy ang pagtalakay sa akdang himala. Tinalakayb ang teoryang  nkapaloob ditto.
1/30/147
Huwebes
                Tinalakay ang nkapaloob sa teoryang sikolohikal, ang kahulugan nito at ang gamit nito sa akda. Inatasan kami na humanap ng isang pelikula na kinapapalooban ng teoryang sikolohikal.
2/3/14
Lunes
Tinalakay ang kahalagahan ng kaibigan at nagkaroon ng Gawain sa pagsusuri ng kaibigan .
2/4/14
Martes
                Tinalakay ang bangkang papel. Tinukoy ang tagong kahulugan o idioma ng nasabing pahayag.
2/5/14
Miyerkules
                Isinaad ang kabuuan ng akdang Bangkang Papel, ang mga tauhn kasama ang mga katangian nito. Isang pangkatan ang nagana kung saan tinalakay ang teoryang nakapaloob sa akda.

2/6/14
Huwebes
                Tinukoy ang teoryang nakapaloob sa akda, ito ang teoryang realism kung saan ipinapakita nito ang realidad. Itinuon ng pag-aaral hindi sa banghay nito kundi sa mga katangian ng  mga tauhan . Isang pangkatan ang isinagawa kung saan inatasan ang bawat pangkat na magulat tungkol sa teoryang realism.
2+/7/14
Biyernes
                Pinalawig ang pagtalakay sa teoryang nakapaloob sa akda, kung saan ipinaliwanag ng mabuti ang teoryang realism. Bilang gawain pinasulat kami ng isang liham para sa ating butihing pangulo na naglalayong pagtuunan ng pansin ang mga kapatid natin sa Mindanao.
2/10/14
Lunes
                Tinalakay ang kwento ni Rizal na siyang may kaugnayan sa akda niyang Noli Metangere at El Filibusteresmo.
2/11/14
Martes
                Isang palabas ang ipiunanuod samin tungkol kay Rizal. Ang kanyang buhay ay sumasalamin sa karakter ni Crisostomo sa akda niyang Noli Metangere at ang pagbabalik niya bilang Simoun sa El Filibusteresmo.
2/12/14
Miyerkules
                Tinalakayu ang mga bahagi ng tekstong nabangit kasabay nito, ito din ay binigyang kahulugan. Bilang takdang aralin inatasan kaming ilahad ang kabutihan, katotothana, at kagandahan sa bawat teksto.
2/13/14
Huwebes
                Tinalakay ang Teoryang nakapaloob sa Noli Metangere.
2/14/14
Biyernes
                Inisa isa ang mga mahahalagang pangyayaring naganap sa Akdang Noli Metangere, isa na ditto ang pagbabalik ni Ibarra bilang si Simoun sa El Filibusteresmo.
Lunes-Huwebes
                (DEMO)
2/21/14
Biyernes
                 Tinalakay ang isang bahagi ng Noli Metangere kung saan ang ama ni Ibarra ay pinaghinalaang isang erehe at pilibustero dahil sa aksidenteng pagkakapatay nito sa isang maniningil.
2/24/14
Lunes
                Tinalakay ang bahagi ng Ang Mga sacristan kung saan isinaad ang kahulugan ng mga malalal;im na salita. Isang tanong iniwan sa amin, kung naging makapangyarihan ba sa teksto sina Basilio, Crispin, at ang sacristan mayor.
Martes
( NO CLASSES )
2/26/14
Miyerkules
                Bilang kontinyowasyon n gaming talakayan, tilakay ngayon ang teoryang Femenismo kung saan ito ay nakatuon sa kahinaan at kalakasan ng mga kababaihan.
Huwebes-Biyernes
                ( No classes )
3/3/14
Lunes
                _____
3/4/14
Martes
                 Nagkaroon ng pagsususlit tungkol sa nakarang tinalakay. Kasunod nito tinalakay din ang mga tuhan dito.
3/5/14
Miyerkules
                ( No classes )
3/6/14
Huwebes
                Tinalakay ang kahulugan ng isang Rebyu, kung saan ito ay isang pagsusuri hinggil sa isang akda o palabas o maging sa isang awit, ito ay ang pagkilatis. Kasama ring tinalakay ang paraan ng paggawa nito.
3/7/14
Biyernes
                Nagsagawa kami ng isang rebyu.
3/10/14
Lunes
                Tinalakay ang mga bagay na dapat isaalang alang sa paggawa ng isang rebyu, tulad na lamang ng paksa, aral, para kanino, at iba. Tinalakay din ang buod o synopsis.
3/11/14
Martes
                 Ginawan ng rebyu ang Akdang Bata Bata Paano ka Ginawa
3/12/14
Miyerkules

                ( Review )

Miyerkules, Enero 22, 2014

Mga Repleksyon

1/13/14
Lunes
Bisang Pangkaisipan
  Tinalakay ang tulang " Ang Pamana " kasabay nito ay may ilang katanungan din ang aming binigyan ng kasagutan.
1/14/14
Martes
Bisang Pangkaisipan
  Sa pagpapatuloy ng aming talakayan ukol sa tulang nabangit, ngayon ay binigyan na namin ng kahulugan ang bawat linya upang makuha ng mensahe nito.
1/15/14
Miyerkules
Bisang Pangkaisipan
  Isang kantang alay sa isang ina ang hinalimbawa na may kaugnayan sa tula " Ugoy ng Duyan ".
1/16/14
Huwebes
Bisang Pangkaisipan
  Ngayong araw nagpag-alaman na ang tunay na mensahe ng tula.Ang ang ating mga ina ay napakahalagang sangkap sa ating kabuoan. Tsaka na lamang natin makikita ang kanilang kahalagahan kung kaylan huli na ang lahat, kung kailang wala na sila.
1/17/14
Biyernes
Bisang Pangkaisipan
  Bilang aplikasyon sa aning napag-aralan kami ay inatasang gumawa ng isang tula na may malayang tema, ngunit may sukat at tugma.
1/20/14
Lunes
Bisang Pangkaisipan
  Kaugnay sa tulang " Ang Pamana " kami ay inatasang gumawa ng isang liham para sa aming mga magulang . Matapos ito ay  binigyan kami ng takdang aralin na magkaroon at basahin ang kopya ng akdang " Ang Kalupi ".
1/21/14
Martes
Bisang Pangkaisipan
  Tinalakay nami ang akdang " Ang Kalupi ", at upang mas maunawaan namin ang kabuoan nito kami ay binigyan ng pangkatang gawain.
1/22/14
Miyerkules
Bisang Pangkaisipan
  Binigyang pansin ang mensaheng napapaloob sa akda na wag basta basta manghuhusga ng kahit na sino dahil di mo panaman alam kung siya talaga ang nagkasala saiyo.

Ang Pamana Ni Jose Corazon de Jesus


Isang araw ang ina ko’y nakita kong namamanglaw 
Naglilinis ng marumi’t mga lumang kasangkapan. 
Sa pilak ng kanyang buhok na hibla na katandaan 
Nabakas ko ang maraming taon niyang kahirapan; 
Nakita ko ang ina ko’y tila baga nalulumbay 
At ang sabi “itong pyano sa iyo ko ibibigay, 
Ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan, 
Mga silya’t aparador ay kay Tikong nababagay 
Sa ganyan ko hinahati itong ating munting yaman.” 

Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng aking mukha 
Tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa, 
Subalit sa aking mata’y may namuong mga luha 
Naisip ko ang ina ko, ang ina ko na kawawa; 
Tila kami iiwan na’t may yari nang huling nasa at 
sa halip na magalak sa pamanang mapapala, 
Sa puso ko ay dumalaw ang malungkot na gunita 
Napaiyak akong tila isang kaawaawang bata 
Niyakap ko ang ina ko at sa kanya ay winika. 

”Ang ibig ko sana, Ina’y ikaw aking pasiyahin 
at huwag nang Makita pang ika’y Nalulungkot mandin, 
O, Ina ko, ano po ba at naisipang hatiin 
Ang lahat ng munting yamang maiiwan sa amin?” 
”Wala naman,” yaong sagot “baka ako ay tawagin ni Bathala 
Mabuti nang malaman mo ang habilin? 
Iyang pyano, itong silya’t aparador ay alaming 
Pamana ko na sa iyo, bunsong ginigiliw.” 

“Ngunit Inang,” ang sagot ko, “ang lahat ng kasangkapan 
Ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan 
Ang ibig ko’y ikaw ina, ang ibig ko’y ikaw inang 
Hinihiling ko sa Diyos na ang pamana ko’y ikaw 
Aanhin ko iyong pyano kapag ikaw ay mamatay 
At hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay? 
Ililimos ko sa iba ang lahat ng ating yaman 
Pagkat di ka maaaring pantayan ng daigdigan 
Pagkat, ikaw O Ina ko, ika’y wala pang kapantay.”

Ang Kalupi ni Benjamin P. Pascual

Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang puting-puti , kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong isinusukat sa harap ng salamin ang nagbuburdahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli. 

Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siyang ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na saging. Bibili rin siya ng grabansos. Gusto-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na grabansos. 

Mag-iikasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na pagkanta pang isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili. 

Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya piniling magdaan. Ang lugar ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa gitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok, ay siyang paglabas na humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang dibdib. “Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”

Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang - lilis ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap. 

“Pasensiya na kayo, Ale’ ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos. Tigbebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.” 

“Pasensya!” – sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang –ingat mo’y pagpapasensiyahan nang pagpapasensyahan ay makakapatay ka ng tao.” 

Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Paano’t pano man, naisip niya, ay ako ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng di mabuti ay sa kanyang pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung may iba pang nakakita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng ilang kartong mantika. 


“Tumaba yata kayo, Aling Gondang, “ ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin. 

“Tila nga ho, “ ani Aling Gondang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.” 

Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha at ang ngiti sa maninipis niayng niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi! Napansin ng kaharap ng kanyang anyo. 

“Bakit ho? anito. 


“E . . . e, nawawala ho ang aking pitaka, “ wala sa loob na sagot ni Aling Marta. 

“Ku, e magkano ho naman ang laman?” ang tanong ng babae. 

Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi. Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit ang di pa ma’y nakikiramay ang tonong nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihing, “E, sandaan at sampung piso ho.” 

Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon nakalalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakaraan, ang tabas ng mukha, ang mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang malilliit at ng mangilan-ngilang namimili at ang batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalingan-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng pusisyon na di kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaring magkamali: ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang panahon na ari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na tigbebente. 

Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. “Nakita rin kita!” ang sAbi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!” 

Tiyakan ang kanyang pagkakasalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay masukol niyang buong-buo. Ngunit ang bata ay mahinahong sumagot: 

“Ano hong pitaka? “ ang sabi. Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.“ 

“Ano wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumudukot ng pitaka ko at wala ng iba. Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano ha ? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa palengke!” 


Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaeng namimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa liig ng bata at ito’y pilit na iniharap sa karamihan. 

“Aba, kangina ba namang pumasok ako sa palengke e banggain ako, “ang sabi niya. “Nang magbabayad ako ng pinamili ko’t kapain ko ang bulsa ko e wala nang laman!” 

“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo, “sabing nakalabi ng isang babaing nakikinig. “Talagang dito ho sa palengke’y maraming naglilipanang batang gaya niyan.” 

“Tena, “ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.” 

“Bakit ho, saan ninyo ako dadalhin?” 

“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.” 

Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawahing – kamay ang pag-alis ng mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pakakasakal sa kanyang liig. May luha nang nakapamintana sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga manonood ay lumapit ang isang pulis na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit na ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong. “Nasiguro ko hong siya dahil sa nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa, “patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagkat ako’y nagmamadali.” 



Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at ang nagmamapa-sa duming katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at ang tigbebenteng bangos. 

“Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot ng inyong pitaka? “ang tanong ng pulis kay Aling Marta.

“Siya ho at wala ng iba,” ang sagot ni Aling Marta. 

“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.” 

“Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya, “sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan e wala kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako mandurukot. 

“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin naming sa iyo kung ang pitaka ko e naipasa mo na sa kapuwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganon kayong mga tekas kung lumakad …. dala-dalawa, tatlu-tatlo! Ku, ang mabuti ho yata, mamang pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matulong matakot iyan at magsabi ng totoo.” 

Tumindig ang pulis,” Hindi ho natin karaka-rakang madadala ito ng walang evidencia. Kinakailangang kahit paano’y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?” 

“E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo? ang sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. “Sinabi nang binangga akong sadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa? Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang gawain, maya’y maling naupo at dumukot ng isang lapis at isang mallit na kuwaderno sa kanyang bulsa. 

“Ano ang pangalan mo? ang tanong niya sa bata. 

“Andres Reyes po.” 

“Saan ka nakatira? ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa– isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. ” Ang tatay ko ho e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa Blumentritt, kung minsan naman ho e sa mga ko sa Kiyapo at kung minsan e sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tundo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam para mamayang tanghali. 

“Samakatuwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis. 

“Oho, “ang sagot ng bata, “pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa e.” 


Ang walang kaawa awang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay makabagot sa kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa kanilang paligid at ang pulis na umiusig ay tila siyang –siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis. 

“Ang mabuti ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin, “ ang sabi niya.”Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.’ 

“Hirap sa inyo ay sabad kayo ng sabad , e” sabi ng pulis. “Buweno , kung gusto n’yong dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel . Doon sabihin ang gusto ninyong sabihin at doon n’yo gawain ang gusto n’ong gawain.” 

Inakbayan niya ang bata at inilakad na patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiiyak na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay pangiti-ngiti habang silang tatlo ay minamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis. 

“Maghintay kayo rito sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili, “ ang sabi sa kanya at pumasok . Naiwan siya sa harap ng bata, at ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng payat na mga daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; ilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumasok sa palengke. Iniisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi; dalawa, tatlo o maaaring sa hapon na. Naalala niya ang kanyang anak sa dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y darating na walang dala ano man, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya sa kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumalak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay pabalinghat niyang pinilit sa likod nito. 


“Tinamaan ka ng lintek na bata ka! Ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan/ Saan? 

Napahiyaw ang bata sa sakit; ang biig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa likod. Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ay buong pangigil na kinagat. 


Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitisgas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, ng siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay naalaala niya ang kalayaan, kay Aling Marta at sa dumaakip na pulis, at siya ay humahanap ng malulusutan at nang makakita ay walang lingun-lingon na tumakbo, patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta, at ang sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya ng umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng ilang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madaliin ang anino ng kanyang mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan. 

Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata Maputla ang kulay ng kanyang mukha at aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malanig na pawis ang gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangalog. Hindi siya makapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siyang binubutan ng sisi. Bakit ba ako nanganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili. Ginawa ko lamang ang dapat gawin ninuman at nalalaman ng lahat na ang nangyayaring ito’y pagbabayad lamang ng bata Sa kanyang nagawang kasalanan. 

Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay napagtulungan ng ilan na buhatin sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanin niyang kasuotan ay tuluyan nang nawalat sa kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis ay pamuling nagmulat ito ng paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta. 

“Maski kapkapan niniyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputul-putol na nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.”

May kung anong malamig ang naramdaman ni Aling Marta na gumapang sa kanyang katawan; ang bata ay pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumulungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni aling Marta sa kanyang sarili. 

“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya. Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak naman ang kuwaderno at lapis. “Siguro’y Matutuwa na kayo niyan.” 

“Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta. 

“Wala naman, sa palagay ko,” Ang sagot ng pulis. “ Kung may mananagot niyan ay walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan , “ may himig pangungutya ang tinig ng pulis. 

“Makaaalis na po kayo?” tanong ni Aling Marta. 


“Maaari na”, sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailanang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at direksiyon ng inyong bahay upang kung mangangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan naming kayo ng ulat.” 

Ibinigay ni Aling Marta ang tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumalayo sa karamihan . Para pa siyang naghihina at magulong-magulo ang kanyang isip; Sali-salimuot na alalahanin ang nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ngayon na walang tiyak na patutunguhan. Naalala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa sandaking malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang mga anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng panangis hanggang sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay. 

Katakut-takot na gulo at kahihiyan, sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako ang pinag-uugatang diwa sa banghay ng bata na natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat. 

Kung hindi sa tinamaan ng lintik na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili. Kasi imbi, walang pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti nga sa kanya! 

Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na ang kukote nito at saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas na sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa malabis niyang paghahangad na makapagdala ng labis na salaping ipamimili, upang makapamburot at maipamata sa kapwa na hindi sila naghihirap. Ngunit ang lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililihim din niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng kanyang asawa ng iskandalo; at kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihimin niya ito. At tungkol sa ulam mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Gondang at iyon ang kanyang ipamimili – nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay isang daan at sampung piso at halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon makapahihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa manipis na labi ni aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan. 

Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang bago siya pumasok sa tarangkahan, ay natanaw na niya ang kanyang anak na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ay minamasdan, ngunit nang malapit na siya at nakita ang dala ay napangunot-noo, lumingon sa loob ng kabahayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa. 

“Saan ka kumuhang ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate. 

“E… e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.” 

Nagkatinginan ang mag-ama. 

“Ngunit, Marta,” ng sabi ng kanyang asawa , “Ang pitaka mo e naiwan mo! Kanginang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka ba kumuha ng ipinamili mo niyan ?” 

Biglang –bigla, anaki’y kidlad na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito; Maski kapkapan ninyo ako, e wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang buong paligid; at bago siya tuluyang mawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at ang papaliit at lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?

Biyernes, Enero 10, 2014

Mga repleksyon

1/6/14
Lunes
Bisang Pangkaisipan
Ngayong araw na ito kami ay nagsagawa ng pagbabalik tanaw sa mga kaganapang naganap sa amin sa taong 2013,nagkaroon din kami ng bahagian ng mga  bagay na nais naming baguhin at paunlarin sa taong kasalukuyan. 
1/7/14
Martes
Aming tinalakay ang mga uri ng tunggaliaan. Tunggaliang "tao sa tao", "tao sa sarili", at "tao sa lipunan".Ganon din ang mga simbolismo.
1/8/14
Miyurkeles
Sa araw na ito isang pagsusulit ang ibinigay sa amin na magsisilbing na ding aming gabay sa darating na lagumang pagsusulit na aming kukuhanin.
1/9/14
Huwebes
Sa araw na ito pormal ng sinimulan ang ikatlong markahang pagsusuli sa apat na asignatura, Filipino, English, Mapeh, at T.L.E.
1/10/14
Biyernes
Ipinagpatuloy nami ang aming pasusulit sa mga asignaturang Chemistry, Math, A.P, at Values Education.