MAKAPANGYARIHAN NA SANA ANG “SUPREMO”
Pagsusuri sa pelikulang “Supremo” ni Joel Costa Malabanan
Imahismo sa Baston at Cedula
Nagsimula ang pelikula sa taong
1882 kung saan ipinakitang namatay ang unang asawa ni Andres Bonifacio sa sakit
na ketong. Mahusay ang panimulang analohiya ng paggawa ng baston bilang sukatan
ng pagtatagumpay ng indio. Sa eksena, ipinakitang nagagalit si Bonifacio sa mga
manggaagawa ng baston sa kanyang pagawaan at nagwikang “kung hindi ninyo
magawang maayos ang mga baston ng mga ilustrado ay manatili na nga lamang
tayong alipin nila”.
Sa sumunod na eksena ay ipinakita
ang kalupitan ng mga guardia civil sa isang nasunugan na tinulungan ni
Bonifacio na binugbog dahil walang cedula. Nakulong si Bonifacio ngunit
nakalaya dahil sa influencia at sa tulong ng bagong gradweyt na abogadong si
Apolinario Mabini. Ang inosenteng kasama ni Bonifacio ay binitay. Ang
pangyayaring ito ang nagsilbing pundasyon kung bakit natanim sa katauhan ni
Bonifacio ang pagkamuhi sa kolonyal na Espanyol. Kagaya ng nakasanayang
kosepto, nagamit ang imahen ng pagpupunit ng cedula bilang manipestasyon ng
hangad na paglaya sa Sigaw sa Pugad Lawin na isa sa mga lutang na eksena sa
pelikula.
Nakakahong Bonifacio
Totoong mahusay ang pagganap ni
Alfred Vargas na nagpamalas ng iba’t ibang emosyon upang ipakita ang pagiging
tao ni Bonifacio. Subalit nabalewala ang kanyang husay dahil sa mababaw na
iskrip ng pelikula. Sa halip na magpakita ng mga bagong anggulo sa pagkatao ni
Bonifacio ay nanalig ang iskrip sa mga nakakahong paglalarawan sa karakter
nito. Nagmistulang komedya ang eksenang may minasaker na na Pilipino ang mga
guardia civil at ipinakitang nagpupumilit si Bonifacio na gantihan ang mga
guardia civil kahit pa pinipigilan ng kanyang mga tauhan. Sa isa pang labanan,
muling inilarawan si Bonifacio bilang lider na padalus-dalos at walang
pakundangan kung mamatay ang mga tauhan niya. Kailangan pang si Emilo Jacinto
ang sumigaw ng “atras” para lang maligtas ang mga Katipunero habang sa
ikalawang pagkakataon ay pinipigilan ang Supremo ng kanyang mga tauhan. Sa
maraming teksbuk ay inilarawan si Bonifacio bilang matapang na lider ngunit
palaging talo sa labanan. Hindi pa rin nakawala ang pelikula sa nakakahong
konsepto ng pagpapakita ng katapangan ni Bonifacio kahit pa ang kahulugan ay
kahangalan. Kung ang pelikula ay nagnanais ibantayog ang kadakilaan ng Supremo,
mainam sanang ipinakita man lamang ang kakayahan niya bilang isang mahusay na
pinuno sa halip na isang lider na kulang sa pagpaplano at nilalamon ng emosyon.
Totoong nagtangka ang pelikula na ipakitang palabasa si Bonifacio at isang
responsableng kapatid subalit liban dito ay walang bagong nailahad ang pelikula
na matutunan ng kasalukuyang henerasyon.
Dinekonstrak si Jacinto
Ayon sa historian na si Tony
Donato, “Napakaikli ng buhay ng magiting na Emilio Jacinto, subalit sa 24 taon
na siya ay nabuhay sa mundo at 7 taon na ipinaglingkod niya sa himagsikan, ay
tunay na napakaraming niyang nagawa para sa Katipunan, himagsikan at sining.
Kahanga-hanga ang kaniyang talinong taglay at dedikasyon. Kung ihahambing sa
isang ordinaryong tao na nabuhay sa mundo nang kay tagal, ang nagawa ni Jacinto
sa loob ng 24 taon sa mundo'y ito ay lalagpasan.”
Sa pelikula ay hindi ipinakita si
Emilio bilang mahusay na tagapayo ng Supremo kundi isang kabataang
matatakutin at mahina ang loob. Ang anyo pa lamang ng
gumanap na si Nicco Manalo ay malinaw na pagdekonstrak kay Emilio Jacinto
sapagkat tuwid na sabog-sabog ang buhok nito kumpara sa nakagisnan nating
larawan na tuwid ang buhok at nakasumping sa isang panig. Bagamat mahusay ang
pagganap ni Manalo bilang si Jacinto, hindi naipakita sa pelikula ang kahusayan
ni Jacinto bilang utak ng Katipunan at may-akda ng kartilya nito. Kung ang
imahe ni Jacito sa pelikula ang makikita at matatandaan ng kasalukuyang
henerasyon ng kabataan ay tunay na lalabnaw ang pagpapahalaga sa kanya bilang
isang mahusay na lider ng kanyang panahon. Kailangan ng mas
malalim at malawak na pananaliksik
sa pagkatao ni Jacinto upang masilip ang tunay niyang husay.
Ang lalim ng pag-iisip na ipinakita ni Jacinto sa kanyang mga sanaysay sa
Katipunan ay ni hindi nahagip man lamang sa pelikula.
Feminista si Tandang Sora
Mahusay ang pagganap ni Hermie
Concepcion bilang Melchora Aquino. Ika-24 ng Agosto, 1896 nang magtipun-tipon
sa bahay ni Tandang Sora ang mga Katipunero. Sa tala ng historian na si Jesusa
Bernanardo, binanggit niya na: Katipuneros arrive at the barn of Melchora
Aquino for their hurried National Assembly, with Supremo Andres Bonifacio and
members of the Supreme Council (Kataastaasang Kapulungan), heads of the
supramunicipal (sangunian) and chapter (balangay) units of the Katipunan in
attendance. Sa pelikula, may diyalogo si Tandang Sora na “siya ay isang aguela
na nagtatangkang gugulin ang kanyang nalalabing buhay para sa kalayaan.” At sa
makasaysayang eksena ng pagpupunit ng cedula ay tanging si Tandang Sora ang
babaeng napaliligiran ng mga sumisigaw para sa paglaya. Bukod sa pagiging
matanda ay kahanga-hanga ang tapang ni Tandang Sora bilang isang babaeng
kabahagi sa pakikibaka. Sa buong pelikula, liban kay Gregoria de Jesus ay ang
karakter lamang ni Tandang Sora ang tanging lumutang na representasyon ng ambag
ng mga Pilipina sa paglaya ng bayan.
Hindi Ginahasa si Oryang?
Gaya ni Tandang Sora, sa simula ng
pelikula ay ipanakitang may malaking ambag siya sa pakikibaka ng Katipunan. May
isang eksena na ipinakitang kunwari ay buntis siya upang maitago ang baril at
punyal
na ibibigay niya sa Supremo. Mahusay ang pagganap ni Nica Naval
subalit manipis ang iskrip na ibinigay
sa kanyang karakter. Ayon kay Renato Constantino, sa aklat
niyang A Past Revisited, si Oryang ay may kung ilang oras na ikinulong ni Col.
Agapito Bonzon matapos na mahuli ang magkapatid na sina Andres at Procipio Bonifacio
noong Abril 27, 1897 sa Limbon, Indang, Cavite. Sa pagkakakulong na iyon ay
naganap ang panghahalay ni Col. Bonzon na hindi naipakita sa
pelikula. Ang pangyayaring ito ay
nabanggit rin ni Ambeth Ocampo sa kanyang aklat na
“Bonifacio’s Bolo. Maaring sinadyang hindi ipakita ang eksena o hindi
pinaniniwalaan na naganap ni Peter Uckung na siyang historical consultant ng
pelikula.
Inosente si Aguinaldo?
Walang masyadong dayalogo si
Aguinaldo sa pelikula. Sa isang eksena ay ipinakita ang dalawang tauhan sa
pelikula (isa ay si Daniel Tirona) na nagsasabi kay Aguinaldo na darating sa
Cavite ang Supremo at walang ipinakitang emosyon ang karakter (na hindi ko
napakuha ang pangalan ng artista.) May sinabi pa itong “ang Supremo ang siyang
dapat na magpasiya” na parang nagpapakitang susunod siya sa anumang desisyon ni
Andres Bonifacio tungkol sa rebolusyon. Lumilitaw tuloy sa pelikula na parang
inosente si Aguinaldo sa lahat nang naganap sa Cavite noong 1897 at ang lahat
ay kagagawan ng mga tauhan niya. Posibleng umiwas ang pelikula na magbigay ng
tuwirang pahiwatig na si Aguinaldo ang may utos ng lahat at hinayaang ang mga
manunuod na lamang ang humusga. Subalit kung ang layunin ng pelikula ay ilantad
ang katotohanan, dapat ay binigyang diin ang partisapsyon ni Aguinaldo bilang
unang dikatador sa Asya. Tiyak na hindi rin mabibigyang pokus sa mas magastos
at mainstream movie na “El Presidente” tampok si Jorge ER Estregan ang
patataksil ni Aguinaldo sa Katipunan at sa rebolusyon lalo pa at isa itong
propaganda pabor sa Kabitenyong heneral.
Tinipid sa Dulo
Hindi malinaw ang karakter nina
Col. Agapito Bonzon, Col. Ignacio Paua at Col. Lazaro Macapagal sa pelikula
sapagkat kung sino ang humuli sa magkapatid na Bonifacio noong Abril 27, 1897
sa Indang, Cavite ay siya ring ipinakitang nagsagawa ng pagpatay sa kanila
noong Mayo 10, 1897. Ang mga estudyanteng manunod ay malilito sapagkat ang
mismong tumaga sa leeg ni Bonifacio nang hulihin ito ay ipanakitang ang mismong
namuno rin sa pagpatay kay Bonifacio. Mukhang tinipid na ang eksenang ito dahil
pati ang kasuotan ng mga pumatay kay Bonifacio ay simpleng polo shirt na
lamang.
Mas Makapangyarihan sana ang Supremo
Dramatiko at madugo ang ginawang
pagsaksak at pagkatay kay Bonifacio at maaawa ka sa naging katapusan ng unang president
ng Pilipinas. Ngunit higit sanang magiging epektibo ito kung gumamit man lang
sana ang pelikula ng alinmang sinulat ni Bonifacio tulad ng tula niyang
“Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” o kaya ay ang “Dapat Mabatid ng mga Tagalog” upang
napalalim ang kanyang karakter. Ang pelikula ay lumitaw na parang simpleng
dokumentaryo lamang mula sa perspektiba at panig ng isang historian na
natatakot sumbatan ng mga maka-Aguinaldo. Totoong may mahuhusay na eksenang nalikha at kahanga-hanga ang ilang tagpo pati na rin ang ginamit na musika sa pelikula ngunit hindi pa rin naging sapat ito upang mailapit sa masa ang tunay na kadakilaan ng Supremo. Pag pinagkumpara ang pelikulang indie na“Supremo” at mainstream na “El Presidente” ay tiyak na lalamunin lang ang una ng ikalawa at mauulit na naman ang pag-agaw ni Aguinaldo sa pwesto ni Bonifacio sa perang limampiso tulad rin ng naganap sa Tejeros.
natatakot sumbatan ng mga maka-Aguinaldo. Totoong may mahuhusay na eksenang nalikha at kahanga-hanga ang ilang tagpo pati na rin ang ginamit na musika sa pelikula ngunit hindi pa rin naging sapat ito upang mailapit sa masa ang tunay na kadakilaan ng Supremo. Pag pinagkumpara ang pelikulang indie na“Supremo” at mainstream na “El Presidente” ay tiyak na lalamunin lang ang una ng ikalawa at mauulit na naman ang pag-agaw ni Aguinaldo sa pwesto ni Bonifacio sa perang limampiso tulad rin ng naganap sa Tejeros.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento